CAGAYAN DE ORO CITY – Bagamat nagagalak subalit mas gusto ng Maranao-Muslim residents na tuluyang makabalik sa mismong tinitirikan ng kanilang kabahayan ng sentrong bahagi ng Marawi City na naging battle ground area noong sumiklab ang urban warfare sa pagitan ng state forces at grupong Maute-ISIS terrorists taong 2017.
Ito ang ipinaabot ni Lanao del Sur Governor Mamintal ‘Bombit’ Adiong Jr sa national government bilang tugon sa ginawang ocular inspection sa main battle area ng ilang Mindanao-Luzon lawmakers at nagsagawa rin nang pagdinig sa Marawi City,Lanao del Sur nitong linggo.
Sinabi ni Adiong na sana sa natanggap na mga impormasyon ng visiting lawmakers partikular ni Mindanao Affairs Committee chairman Misamis Oriental District 2 Congressman Bambi Emano na inaasahan na mayroong malaking magagawa para sa Maranao bakwits na hindi pa nakabalik sa kanilang mga tahanan.
Una nang inilahad sa kapatid ng gobernador na si Lanao del Sur 1st District Congressman Zia Alonto Adiong na kung maari ay mabigyang prayorida ng national government ang water at electric connections upang maranasang muli ng kanilang kababayan ang normal na pamumuhay sa ipinamigay na housing units para sa kanila.
Magugunitang deactivated na ang Task Force Bangon Marawi at ipinalit ang Presidential Assistance for Marawi Rehabilitation batay sa utos rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr upang ituloy ang hindi pa natapos na mga proyekto sa battle ground ng Marawi City.