CAGAYAN DE ORO CITY – Iniutos ngayon ni Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong, Jr. na pansamantalang isara sa loob ng iilang araw ang kanilang kapitolyo-probinsyal.
Ito’y upang isailalim sa general disinfection matapos niyang ibinunyag sa publiko na nagpositibo siya sa coronavirus disease (Covid-19).
Sinimulan ang disinfection kahapon at matatapos ito sa Setyembre 18 kung saan inutosan ang mga empleyado na magtrabaho pa rin kahit nasa kani-kanilang mga tahanan.
Tiniyak naman ni Adiong na susundin ng provincial government ang health protocols na iniutos ng Department of Health (DOH), BARMM Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Ministry of Health at World Health Organization (WHO) sa pag-contain ng bayrus.
Nanawagan din siya sa mga residente na patuloy sundin ang minimum health standards na ipinapatupad sa mga probinsiya na isinasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) guidelines kabilang na ang “no movement Sunday” rule.