CAGAYAN DE ORO CITY – Inamin ng Pinay nurse na kailangang hindi dapat aksayahin ang mahalagang oras dahil sobrang ikli lamang ng buhay.
Ito ang paglalahad ni Arlou Anne Klein Manganti – Marsal na tubong Pampanga subalit naninirahan at nagta-trabaho na sa kabisera ng Paris,France bilang nurse sa isang government hospital na nakaligtas sa bangis na dala ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa panayam ng Bombo Radyo CdeO,inihayag ni Marsal na una itong nilalagnat bago tuluyang nakompirma ang throat swab sampling na positibo ito ng coronavirus kaya dinala sa pagamutan.
Inihayag nito na napakatindi ng bayrus dahil pahihinain ng husto ang pangangatawan ng isang pasyente hanggang bibigay ang buong sistema ng katawan.
Inamin nito na ipinagkatiwala na nito ang kanyang buhay sa Panginoon habang unang umabot sa punto na kinu-kuwestiyon niya na bakit siya ang nahawaan ng sakit.
Payo nito sa mga tao na kung madapuan man sila ng COVID-19 ay hindi sila dapat mawalan ng pokus bagkus ay lalabanan nila ito upang maiwasang tuluyang bibigay ang kanilang kalusugan.
Si Marsal na mayroong ng sariling pamilya na kasama nito sa Pransya ay kasalukuyan nang naka-house quarantine matapos nalampasan ang pinakamatindi na yugto ng kanyang buhay habang kinaharap ang bayrus ng corona disease.
Tiniyak nito na kahit minsan nang nalagay ang kanyang buhay sa alangangin ay hindi nito tatalikuran ang pagiging bokasyon niya bilang Pinay nurse dahil ito ang kanyang tawag upang makapagsilbi sa mga pasyente.