CAGAYAN DE ORO CITY – Hinuli ng mga personahe ng PNP anti-cyber crime unit sa loob ng Hall of Justice ang isang freelance media practitioner na nahaharap sa kasong cyber libel at extortion dito sa lungsod.
Kinilala ang suspek na si Siegfred “Jigs” Padua, legal age at residente sa may Barangay Tablon, Cagayan de Oro.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo, hinuli si Padua matapos itong iniwan ng kaniyang abogado sa loob mismo ng korte.
Si Padua ay kinasuhan ng principal ng Alubijid National Highschool na si Reynaldo Cabillan dahil sa mga pagpapahiya na ginawa nito sa mga guro gamit ang social media.
Hinihingan din umano ni Padua ng pera ang mga guro kapalit ng hindi nito pagpapatuloy sa mga isyu laban sa kanila.
Ikinagulat naman ng suspek ang paghuli sa kaniya at iginiit na hindi siya natatakot sa mga kasong isinampa sa kaniya ng mga opisyal ng Department of Education Region 10.