Sa gitna ng nakaraang pagdiriwang ng World Teachers’ Day, emosyonal na nanawagan ang ekonomista at dating Misamis Oriental Vice Governor Joey Pelaez sa pambansang pamunuan na kumilos at pataasin na agad ang suweldo ng mga guro sa bansa.

Ipinahayag ng dating opisyal na napakabigat ng sakripisyo ng mga guro kung saan karamihan sa kanila ay baon na sa utang sa gitna ng mahirap na pamumuhay.

Dahil dito, ipinaalala ng ekonomista sa gobyerno na mahigit siyamnapung porsyento ng mga guro sa Pilipinas ay mga kababaihan at ina na may dalawang gampanin sa loob ng paaralan at sa pamilya.

Binigyang-diin ng opisyal na kinakailangang bigyan ng sapat na atensyon ang kapakanan ng mga guro upang mas makapagbigay sila ng mahusay na pagtuturo at pag-aaruga sa mga kabataan.