CAGAYAN DE ORO CITY – Mula sa pagiging paraiso ng likas na yaman, sa dagat, kagubatan, mineral, at tahanan ng bilyong uri ng flora at fauna, unti-unting nagiging impyerno ang kalagayan ng Pilipinas, ayon kay Orlando Ravanera, ang founding leaders ng Task Force Macajalar.

Sa panayam ng BOMBO RADYO, sinabi ni Ravanera na mula sa 13 (labing-tatlong) pangunahing dagat ng bansa, sampu na ang idineklarang “ecologically dead,” kung saan kabilang na ang Macajalar Bay sa Northern Mindanao.

Dahil sa matinding pagkasira ng dagat, libu-libong mangingisda ang nawalan ng kabuhayan, apektado ang kanilang pang-araw-araw na kita at pagkain.

Napapalibutan ang bay ng mga industriyang nagtatapon ng nakalalasong kemikal sa tubig, karamihan sa mga ito ay walang pollution control device, dahilan ng pagkadilaw ng tubig at pagkamatay ng mga buhay-ilalim.

Ayon pa kay Ravanera, 75% ng coral reefs at mangroves sa lugar ay tuluyan nang nawasak, at tanging 5% na lamang ang natitirang buhay, isang nakakabahalang senyales ng ekolohikal na krisis. Panawagan ngayon ang mas malalim na aksyon at pangangalaga sa kalikasan bago tuluyang maglaho ang likas na yaman ng bansa.