CAGAYAN DE ORO CITY – Pinatututukan ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Camiguin ang lahat ng mga banyagang turista, partikular ang mayroong history sa Wuhan City, China, na nananatili sa kanilang probinsya.

Ito ay kahit nananatiling negatibo sa anumang sintomas ng corona virus ang mag-asawang Amerikano na nagmula pa sa Wuhan City nang magtungo sa lalawigan noong nakaraang linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Camiguin PDRRMC head Jejomar Bollozos na batay sa pagsusuri ng kanilang provincial health office, lumalabas na walang kahit anong indikasyon na nahawaan ang mga ito ng misteryosong virus.

Inihayag ni Bollozos na inilagay muna sa isolation room ang mga banyaga habang pinaghahanap pa ang mga taga-probinsya na nakasalamuha ng mga ito.

Natuklasan na ilang araw nang nananatili ang mag-asawang dayuhan sa isla bago sila nag-boluntaryo magpa-hospital check up dahil lumaganap na ang isyu sa corona virus.

Si Camiguin PDRRMC head Jejomar Bollozos

Magugunitang ang probinsya ng Camiguin ay dinarayo ng local at foreign tourists kada taon dahil sa napakaraming mga magagandang tanawin.