CAGAYAN DE ORO CITY- Nagbalik-tanaw si Marawi City Mayor Majul Gandamra sa kaniyang mapait at nakakatakot na karanasan sa kasagsagan ng pag-atake ng Maute-ISIS terror group sa kanilang lunsod dalawang taon na ang nakaraan.
Kanya itong ginawa alinsunod sa pag-gunita ng ikalawang taong anibersaryo ng Marawi Seige bukas, Mayo 23.
Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Gandamra na hindi mawawala sa kaniyang isipan ang malagim sa pangyayari kung sa-an ilang araw itong kumubli sa kanyang tanggapan.
Hindi rin malimutan ng alkalde ang pagbabantay na kanilang ginawa kasama ang kanyang mga security upang hindi makobkob ng mga terorista ang Marawi City Hall.
Ayon kay Gandamra, kahit nawasak ang malaking bahagi ng Marawi dahil sa giyera na umabot ng anim na buwan, kaniyang ipinagmamalaki na hindi na-take-over ng Maute-ISIS group ang bahay lungsod.
Nagpapasalamat rin ito sa pamahalaan dahil hindi ito nagpapabaya hanggang ma-liberate ang Marawi mula sa pananakop ng teroristang grupo at sa nagpapatuloy na rehabilitasyon nito.