CAGAYAN DE ORO CITY – Tinukoy ngayon ng pulisya na ang mga kaanib ng grupong Maute-ISIS ang nagtangka sa buhay ni Masui Mayor Nasser Pangandaman Jr na nagresulta na nasawi ang kanyang police escort sa Buadiposo,Buntong,Lanao del Sur.
Ito ay matapos una nang nakatanggap ng matinding mga banta sa buhay si Pangamdaman dahil sa palisya nito na tulungan ang gobyerno upang tuluyang mapabagsak ang kilusang terorista sa Lanao del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Lanao del Sur Provincial Police Dir. Col. Madzghani Mukaram na inamin sa kanya ng alkalde na matagal na itong nakatanggap ng death threats kaya nagpapasundo ito ng pulisya kung papasok sa kanyang bayan.
Sinabi ni Mukaram na mismo sa kanyang bayan noon naaresto ang ina ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute na nasa likod ng unang mga terror attack sa Lanao del Sur sa taong 2016 at 2019.
Inihayag ng opisyal na hindi rin nila isinantabi ang ‘rido’ o matinding galit ng ilang malalaking pamilya sa kanilang lugar.
Ito ang dahilan na binuo ng PNP ang Special Investigation Task Group (SITG) Pangamdaman upang mapabilis ang resolba ng kaso.
Kung maalala,binawian ng buhay si Police Staff Sgt Jammar Pangandaman dahil nagtamo ng malubang mga tama ng bala mula sa M16 rifles na ginamit ng nasa 10 armadong kalalakihan noong nakaraang araw na Linggo sa lugar.