(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Itinuring ng militar na malaking dagok para sa kilusang Communist Party of the Philippines -New People’s Army (CPP-NPA) ang panibagong pagka-aresto ng dalawa umanong kumander ng kilusan nang ikinasa ang joint operation ng militar at pulisya sa Purok 1,Barangay Kalasungay,Malaybalay City,Bukidnon.

Ito ay matapos matagumpay na naisilbi ng mga otoridad ang maraming warrant of arrests laban kina Lorna Micabalo alyas Ating,65 anyos na maybahay naman ng CPP-NPA Misamis Oriental -Bukidnon area commanding officer na si Dionesio Micabalo ng North Central Mindanao Regional Committee (NCMRC) at Jean Montemayor sa nabanggit na lugar.

Photos from Malaybalay City Police Station

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni 403rd IB,Philippine Army commander Brig Gen Ferdinand Barandon na si Micabalo ay nagsilbing kalihim at finance officer ng Sub-Regional Committee-4 ng NCMRC at nahaharap ng halos 10 kasong kriminal sa anim na korte ng rehiyon at Butuan City.

Inihayag ni Barandon na si Montemayor na taga- North Cotabato naman ay may katulad na katungkulan rin kay Micabalo subalit sa Guerilla Front 68 B sa NCRMC.

Inaakusa naman ng mga otoridad na nakunan ng mga eksplosibo ang dalawang top rebel commanders habang isinilbi ang warrant of arrest sa bahay ni Micabalo sa nabanggit na lungsod.

Natuklasan na ang asawa ni Lorna na si Dionesio ay kasalukuyang mayroong nakapatong sa ulo na P5-M na reward money dahil sa maraming kasong kriminal na isinangkot ng gobyerno laban sa kanya.

Sa ngayon,wala pang ilabas na pahayag ang kabilang grupo kaugnay pagka-aresto ng dalawang amasona.

Si 403rd IB,Philippine Army commander Brig Gen Ferdinand Barandon

Magugunitang naaresto rin ng AFP Eastern Mindanao Command ang mayroong P2 million reward bounty na si former CPP-NPA Western Mindanao Party Committee intelligence officer at secretary general ng Front Committee Kara na si Marcos Requina alyas Tomas,60 anyos sa bayan ng Kitaotaon,Bukidnon noong nakaraang linggo.