CAGAYAN DE ORO CITY – Hawak na ng pamilyang Madlos ang mga abo ni CPP-NPA-NDF Mindanao spokesperson Jorge Madlos alyas Ka Oris na unang napatay sa engkuwentro sa pagitan ng militar sa Sitio Gabunan,Barangay Dumalaguing,Impasug-ong,Bukidnon.
Ito ay matapos tuluyan nang kinuha ng nakababatang kapatid na si Rito Madlos ang ‘urn’ na pinaglagyan sa mga abo ni Ka Oris mula sa tanggapan ni Impasug-ong Mayor Anthony Uy sa nabanggit na probinsya.
Sa maikli na seremonya bago ibinigay ang mga abo ni Ka Oris,ipinaabot ng alkalde sa kanyang pamilya ang malubhang kalungkutan at simpatiya ng gobyerno sa sinapit nito.
Samantala,nagpaabot naman ng malaking pasasalamat ang pamilya Madlos kay Uy kasama sa militar at pulisya na maayos na pagtrato sa namayapa na si Ka Oris.
Aniya,matagal na nilang ipinasa-Diyos ang naging kalaparan ni Ka Oris na matagal nang pinaghahanap ng gobyerno.
Si Ka Oris ay nagsimulang pumasok sa kilusang armado dekada 70 sa Surigao del Norte hanggang sa napasok ang kanilang pinagtaguan at nagkaroon nang engkuwentro na kanyang ikinasawi kasama ang female medical aide nito sa bundok na bahagi ng Impasug-ong,Bukidnon noong Oktubre 30,2021.
Una rin nito,mas unang kinuha ni Gng Normelita de la Peña ang mga abo ni Eighfel Dela Peña alias Maui na medical aide ni Ka Oris at binigyan ng cash assistance at ilang food supply bago lumuwas pabalik sa San Luis, Agusan del Sur.