CAGAYAN DE ORO CITY – Hihingian ng opisyal na pagpapaliwanag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command si 103rd Infantry Batallion commander Brig.Gen Romeo Brawner Jr ukol sa pahayag nito na ibenenta na ng ilang Moro Islamic Liberation Front (MILF) members ang kanilang mga baril sa rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Lanao del Sur.
Ito ay matapos unang binanggit ni Brawner sa isang panayam na ilan umano sa mga MILF member ay nagbebenta ng kanilang mga baril sa pumasok na mga NPA rebel sa bukiring bahagi ng probinsya.
Sinabi sa Bombo Radyo ni AFP WestMinCom spokesperson Maj Arvin Encinas na wala silang natanggap na anumang ulat ukol rito kaya makikipag-ugnayan umano sila sa tanggapan ni Brawner.
Inihayag ni Encinas na maaring nakakuha ng ganitong impormasyon si Brawner sa lugar na kanyang nasasakupan subalit hindi pa lamang nakarating sa kanilang tanggapan.
Una nang hawak ngayon ng 103rd IB ang nasa 21 NPA members at supporters matapos napilitang sumuko dahil sa matinding military operations nang magka-engkuwentro sa bayan ng Lumba-Bayabao,Lanao del Sur noong Hulyo 28,2019.