CAGAYAN DE ORO CITY – Nauwi umano nang amicable settlement ang mga kasong kriminal na kinaharap laban sa anak ng dating alkalde ng Marawi City na pangunahing suspek sa nangyaring robbery incident sa isang jewelry shop sa Barangay Sugod,Marawi City,Lanao del Sur.
Ito ay matapos isinauli ng suspek na si Mahid Salic ang nasa P2.6 milyon halaga ng mga alahas at kasama ang pera na unang natangay nito sa Layl-Haya Jewelry Shop na pagmay-ari ng negosyanteng si Noaim Mohamad Macaraya na residente sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Marawi City Police Station commander Lt Col Thomas Pantaleon na unang ikinasa ang malawakang pursuit operation laban sa grupo ni Salic dahilan na humantong na magkaroon nang amicable settlement kung saan iniurong umano ang kaso at isinauli naman ang mga natangay na valuables.
Inihayag ni Pantaleon na naging posible rin ang pagkakasundo ng dalawang panig dahil tumulong ang ilang mga sultan upang resolbahing matiwasay ang namumuo na tensyon.
Una nang naisampa ang kasong robbery at physical injury sa piskalya laban mga suspek subalit dahil sa affidavit of dessistance ng bitkima ay tuluyang nawalan ng saysay ang pagsisikap ng pulisya.
Magugunitang sinaksak pa ng suspek si Macaraya dahil nanlaban ito para hindi matangay ang kanyang mga alahas at pera noong Enero 2021.
Si Salic ay anak ni dating Marawi City Mayor Fajad Salic na una na ring naaresto ng PNP sa Misamis Oriental dahil naakusahan na isa sa mga nasa likod ng Marawi Siege na humantong ng limang buwan na digmaan sa pagitan ng state forces at Maute-ISIS terror group noong taong 2017.