Wala nang dahilan ang mga konsehal upang hindi makapagpasa ng mga lokal na ordinansa at resolusyon ngayong inilunsad na ang e-Legis program para sa mahigit isang libo at anim na raang LGU sa buong bansa!
Ito ang pinag-igting ni Vice Mayors’ League of the Philippines National President Vice Mayor Maynard Francis Bumanglag kung saan ipinaliwanag niya na eksklusibo munang ibinigay ang access sa naturang sistema sa mga bise alkalde, konsehal, at SP secretary.
Ayon kay Bumanglag, layunin nito na matiyak na matutupad ng mga mambabatas ang kanilang mandato sa ilalim ng batas at mabigyan ang mga opisyal ng gabay alinsunod sa pamantayan ng University of the Philippines.
Ipinagbigay-alam din ng opisyal na pinaplano nang ikonekta ang e-Legis sa eGov.ph platform habang nilinaw niya na para sa mga ordinaryong mamamayan na nais humingi ng kopya ng ordinansa, dadaan pa rin sila sa nakasanayang pahintulot mula sa tanggapan ng bise alkalde.











