CAGAYAN DE ORO CITY – Nagalit ang alkalde ng lungsod ng Cagayan de Oro makaraang lumitaw ang report na may isang empleyado ng City Hall ang na-aresto dahil sa pangingikil.

Sa panayam ng Bombo Radyo CDO kay Mayor Oscar Moreno, pinuna niya ang maling gawain ng kanyang empleyado.

Una rito, nadakip ng Police Station – 5 Macabalan ang suspek na si John Laro, special investigator 3 ng city legal office.

Humingi umano ng “extortion money” si Laro sa biktimang si Rosalie Castillo, manager ng isang karnabal sa lungsod.

Sinabi ni Moreno na maaaring makalusot sa kasong kriminal ang nangikil na empleyado subalit, hindi ito makakalusot sa kanyang interogasyon.

Sa ngayon, nagbanta ang alkalde sa lahat ng mga maninilbihan sa city hall na ipapatalsik at ipapakulong kung mapatunayang nangungurakot at nakagawa ng krimen.