CAGAYAN DE ORO CITY – Inabangan na ang pagdating sa mga labi ni dating Senate President Aquilino Pimentel Jr sa city hall na dati niyang opisina noong nagsilbi pang alkalde sa Cagayan de Oro City.
Ito ay matapos pumanaw ang ama ng Local Government Code of the Philippines sa edad 85 dahil sa kakaibang uri ng kanser na tumama sa kanyang katawan habang naka-confine sa ospital sa Metro Manila kahapon ng madaling araw.
Sinabi ni City Mayor Oscar Moreno na labis ang pagluluksa ng pamilya,kaanak,kaibigan at mga kapartido ni Pimentel nang bawian ito ng buhay.
Inihayag ni Moreno na mismo ito ang nakiusap kay dating Senate president Senator Koko Pimentel na bigyang pagkakataon na masilayan sa huling sandali ng mga taga-Misamis Oriental at Cagayan de Oro ang mga labi ng kanyang ama bago ito ihatid sa huling hantungan sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.
Si Pimentel na kilala na human rights advocate at matapang na kritiko ni dating Presdiente Ferdinand Marcos Sr ay nagbigay ng malaking impluwensiya sa ilang mga dati at kasulukuyang mga elected government officials katulad ni Moreno.
Magugunitang apat na beses na ikinulong si Pimentel dahil lamang sa pagkontra sa martial law at nagbigay daan na mabuo ang Partido Demokratiko Pilipino Laban ng Bayan (PDP-LABAN) para tapatan ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni Marcos.