CAGAYAN DE ORO CITY – Itinuturing na panalo ng mga lokal na drayber ang muling mahigpit na pagpapatupad ng City Ordinance No. 10551 o ang 2007 Transport Ordinance na nagbabawal sa mga probinsyal na pampasaherong sasakyan na makapasok sa sentro ng Cagayan de Oro.
Ayon kay United Drivers Association (UNIDA) President Joel Gabatan, pabor sila rito dahil natigil na ang hindi patas na sistema kung saan ang mga modernized jeep ay nakakarating hanggang Gaisano Mall, samantalang ang mga tradisyunal na jeep mula Alubijid, Gitagum, at Initao ay hanggang Bulua Terminal lamang.
Dagdag pa ni Gabatan, matagal na niyang inihain ang reklamo sa City Council hanggang sa ito ay nabigyan ng aksyon noong nakaraang linggo.
Bilang resulta, opisyal nang ipinatupad ang isang buwang dry-run ng naturang ordinansa simula Hulyo 28 upang maayos ang daloy ng trapiko at matiyak na walang ordinaryong drayber ang malulugi sa komunidad.











