CAGAYAN DE ORO CITY – Igiinit ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na seryoso umano sila patungkol sa inilabas na pahayag na puputulin na ang kanilang investment partnership sa ilang financial institutions,industriya at mga korporasyon na posibleng nasa likod ng malawakang pagsira ng kalikasan.
Paglilinaw ito ni CBCP President at Caloocan City Archbishop Pablo Virgilio David,D.D ukol sa ilan na nagtaas-kilay at duda na magkaroon ng pangil ang pinagsasabi ng mga arsobispong Katoliko para pangalagaan ang kapaligaran na dumanas ng illegal logging at extractive mining activities.
Sinabi ni David na nakahanda rin sila magbigay-aksyon kung mapatunayan na ang isang Catholic diocese o mismong upo na obispo nito ay patuloy na tumanggap ng donasyon mula sa mga kompanya na nasa kanilang listahan.
Magugunitang pinatawan ng CBCP bishops ang kanilang mga sarili ng hanggang taong 2025 na dumistansiya na at tanggihan na ang pagtanggap ng anumang tulong-pinansyal mula sa tinukoy na mga grupo.
Nag-uugat ang pahayag na ito ni David sa pinakaunang isinagawa ng CBCP na plenary assembly sa bahagi ng Mindanao partikular sa Cagayan de Oro noong nakaraang linggo.