CAGAYAN DE ORO CITY- Namimigay ng sariling relief goods ang ilang mga Pinoy na hindi nawalan ng trabaho sa mismong mga kababayan nito na nakabase sa bansang Romania sa European continent.
Ito ay bilang pagtugon ng bayanihan spirit ng mga Pinoy habang hinihintay ang pagdating ng tulong mula sa Philipppine government na abala rin na malabanan ang malaking krisis na dulot ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa bansa.
Iniulat ng Bombo Radyo international correspondent na si Josephine David na may-ari ng maliit na negosyo sa Romania na kawawa masyado ang mga Pinoy na itinuring na ‘live out’ dahil agad-agad sila nawalan ng trabaho nang tinamaan ng krisis ang Uropa.
Inihayag ni David na sariling pera na lamang ang ginamit nito at makipag-partner sa isa ring charity foundation para maisagawa nila ang relief operations para sa mga apektadong mga Pinoy.
Katunayan,marami sa mga Pinoy na hindi masyadong apektado ng krisis ang mainit na nag-ambag sa kahit anumang maitulong para madagdagan ang relief items para sa mga kababayan na nahihirapan sa kanilang pamumuhay habang nasa Romania.
Subalit nangamba ito kung hanggang kailan tatagal ang kanilang pagkupkop ng nasa 80 percent na mga Pinoy na apektado ng krisis dahil umaasa lamang sila sa mga donasyon mula rin sa pribadong mga kompanya ng Romania.
Ito ang dahilan na kinalampag nila ang gobyerno ng Pilipinas na mabigyan ng tulong ang mga Pinoy na naghihirap rin ng pamumuhay habang nanarbaho sana sa bahagi ng European continent.(Photos from Josephine David).