CAGAYAN DE ORO CITY-Dumidiskarte na ngayon ang ilang mga Pinoy na nasa Sydney Australia na magkaroon ng kanilang mga panangga upang maiwasang madapuan ng novel coronavirus.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Jhala Grace Salas, tubong Cagayan de Oro at kasalukuyang nag aaral ng Masters of International Relations sa University of Sydney, nagkakaubusan na umano sa lugar ng facemask kung kaya’t nakikiusap na lamang siya sa mga kakilala sa Pilipinas na papuntang Sydney na dalhan sila upang mayroong magamit.
Ayon kay Salas patuloy parin kasi ang pag akyat ng kaso ng coronavirus sa Australia, mula sa pito ay lomobo na ito sa 16 ang patuloy na inoobserbahan.
Sa kabila nito, ipinaabot ni Salas sa mga Pilipino na may kamag-anak sa Australia na huwag masyadong mag-alala sa kanilang kalagayan dahil hindi naman nagpabaya ang gobyerno doon at todo pag-iingat din sila sa kanilang mga sarili.