CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi pa rin ligtas ang chief of police at ilang kasamahan ng Ozamiz City Police Office sa maaring kakaharapin na kaso kaugnay sa biglaang pagkamatay ni late former Ozamiz City Councilor Ricardo’ Ardot’ Parojinog habang naka-police custody ito noon sa Ozamiz City.
Ito ang katiyakan ni Police Regional Office 10 spokesperson Lt Col Mardi Hortillosa kahit una nang nilinaw ng doktor na wala umanong nakitang foul play sa pagkasawi ng dating opisyal na iniugnay sa malaking grupo ng criminal gang syndicate sa bansa.
Sinabi ni Hortillosa na nanatiling naka-restrictive custody ang grupo ni Ozamiz City Police Office commander Maj Peter Rhyan Revillas at ang mga nagbantay noon kay Parojinog alinsunod sa kautusan ni PNP chief Director General Camilo Cascolan.
Inihayag ng opisyal na mananatiling bukas ang PRO-10 kung mayroong intresadong independent group na magsasagawa ng sariling imbestigasyon kaugnay sa nangyari kay Parojinog.
Kung maalala,dinala mula Maynila si Parojinog patungo Ozamiz City para basahan sana ng kanyang mga kinaharap na kaso subalit hindi pa man naipresenta sa korte ay nadiskobre itong patay na sa loob ng selda noong unang linggo ng Setyembre 2020.