CAGAYAN DE ORO CITY – Sinunog na naman umano ng mga pinaghinalaang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang milyun-milyong halaga ng construction equipment na pagmay-ari ng Ulticone Builders Incorporated (UBI) sa Purok Masigla,Barangay Salawagan,Quezon,Bukidnon.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Bukidnon Provincial Police Office spokesperson Maj Jisselle Longgakit na mismo si UBI project -in-charge Eduardo Lacosta ang nakasaksi paglusob ng nasa 30 armadong rebelde sa kanilang compound at agad sinunog ang kanilang construction equipment.
Inihayag ni Longgakit inutusan pa umano ang mga empleyado na lisanin ang lugar bago tumakas ang mga responsable.
Binanggit naman ni Lacosta na nasa mahigit-kumulang P6 milyon ang halaga ng mga nasunog na mixer truck,fuel dump truck at water truck ng kompanya.
Sa ngayon,mas ina-alerto pa ng PNP ang kanilang puwersa katuwang ang militar para hindi n maulit ang katulad na pangyayari.
Bagamat hindi na nag-iwan ng anumang mga salita ang mga rebelde subalit para sa mga otoridad na ang kabiguan na makapagbigay ng revolutionary tax ng kompanya ang dahilan kung bakit sinira ng mga rebelde ang kanilang mga kagamitan.
Kung maalala,nadanyos rin ang nasa halos siyam na milyong piso na halaga na UBI equipment nang inatake at sinunog ng katulad na group sa bayan ng Cabanglasan,Bukidnon noong huling linggo ng Enero 2021.