CAGAYAN DE ORO CITY – Nalagasan na naman ng panibagong matataas na opisyal ang grupong CPP-NPA na kumikilos sa hurisdiksyon ng 4th ID,Philippine Army sa Northern Mindanao at Caraga regions.
Sinabi ni acting 4th ID commander Brig Gen Oliver Vesliño na mismo ang pinag-isang operasyon ng kanilang 16th Infantry Batallion na nakabase sa Caraga at Special Action Force ng PNP ang nag-operate para tuluyang ma-neutralize si Pedro Codaste alyas Gonyong na tumatayong deputy secretary of Komisyon Mindanao (KOMMID) kasama ang isa pang alyas Zandro sa Barangay Kalabugao,Impasug-ong,Bukidnon.
Inihayag ng heneral na unang nagkapalitan muna ng mga putok ang panig ng gobyerno at nasa 15 CPP-NPA members hanggang sa tuluyan napaatras at tumambad ang dalawang naiiwang mga bangkay kung saan isa na pala roon si Codaste.
Si Codaste na dating kasapi ng CPP-NPA-NDF delegation sa peace talks resumption ng Philippine government noon sa Norway ay ilang taon nang pinaghahanap ng batas dahil kabilang ito na hindi bumalik at sumuko sa gobyerno nang bumagsak ang negosyasyon.
Kaugnay rito,itinuring ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na karagdagang kahinaan ito ng mga rebelde na layong tapusin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng kanyang panunungkulan.
Si Codaste ang pangalawang CPP-NPA kumander na na-neutralized ng state forces pagkatapos nagtagumpay ang tropa ng 403rd Infantry Brigade pagpatay kay CPP-NPA Mindanao operation chief Jorge Madlos alyas Ka Oris sa mismo ring bayan ng Bukidnon noong Oktubre 31,2021.