CAGAYAN DE ORO CITY – Idineklara na nang Misamis Oriental Provincial Board ang state of calamity dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga nagpositibo ng coronavirus disease (Covid-19) sa buong bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Sangguniang Panlalawigan Board Member Gerardo Sabal na may ipinasa silang resolusyon upang mahanda na ang pondo para sa panahon ng emerhensiya kung kinakailangan.
Aniya, nagsimula ang kanilang deklarasyon base sa abiso ni Misamis Oriental Governor Bambi Emano bilang precautionary measures at upang makapaghanda ang probinsiya kung sakaling may magpositibo sa virus.
Dagdag pa nito na hindi makapapayag si Gov Emano na hintayin pang may magpositibo bago gagawa nang hakbang na pipigil sa nasabing virus.
Una nang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang State of Public Health Emergency matapos patuloy ang pag-akyat ng bilang ng mga natamaan ng corona virus disease.