CAGAYAN DE ORO CITY-Nakahandusay sa sahig at naliligo sa sariling dugo ang isang babae sa Zone 1 Brgy Dicklum, Manolo Fortich Bukidnon.

Kinilala ang biktima na si Gondit Cabanday, 33, may asawa at nakatira sa naturang lugar.

Nagtamo ng labing limang saksak sa katawan ang biktima na agad namang isinugod sa ospital ngunit binawian rin ng buhay.

Sinabi ni Manolo Municipal Police Station Commander Major Noel Cano na unang ipinalabas ng pamilya na may nangyaring panloloob ngunit hindi sila kumbinsido dahil wala silang nakitang force entry at bagamat marami ay mababaw lamang ang mga sugat ng biktima.

Kwento umano ng mga kapitbahay na palaging nag-aaway ang biktima at asawa nito dahil umano sa selos.

Patuloy pang nangangalap ng ebidensya ang mga pulis laban sa mister na una ng tumanggi sa krimen.