CAGAYAN DE ORO CITY –Isinagawa ngayon ang malawakang contact tracing sa mga tao na pinakahuling nakasalamuha ni incumbent Misamis Occidental 2nd District Rep Henry Oaminal sa Barangay Lam-an,Ozamiz City.
Ito ay matapos nahawaan pa rin sa coronavirus disease ang senior citizen na si Oaminal kahit natukuran na ng bakuna upang ma-proteksyonan ang kanyang pangangatawan.
Mismo ang anak ng kongresista na si Ozamiz City Mayor Sancho Oaminal ang nag-anunsyo sa pamamagitan sa social media post na kasalukuyang naka-isolate ang kanilang ama dahil sa bayrus.
Sinabi ni Mayor Oaminal na dahil rito ay naka-lockdown muna ang kanilang bahay sa loob ng 14 na araw habang tinatawagan rin ang mga residente na nakasama ng kongresista na makipag-ugnayan sa city health office para sa tamang protocols.
Bagamat hindi naman binanggit ng alkalde kung malubha o hindi ang kasalukuyang kalagayan ng kanilang ama.
Si Rep Oaminal ang pinakahuli na high official mula sa Northern Mindanao na nahawaan ng bayrus kasunod nang magpositibo rin ang mag-asawa na sina Cagayan de Oro 1st District Rep Rolando ‘Klarex Uy at Carmen Punong Barangay Lorna Uy na taga-bayan ng Bonifacio,Misamis Occidental.