(Update) CAGAYAN DE ORO CITY –Tuluyan nang binawian ng buhay ang vice gubernatorial candidate ng Misamis Occidental na si Lopez Jaena Mayor Michael Gutierrez na unang tinamaan ng sniper bullet habang nasa kasagsagan ng Christmas Party Fellowship ng Team Asenso political party sa Barangay 7,Tangub City.

Ito’y matapos mismo ang anak babae ng mayor na si Sangguniang Board member Andrea Pinky Gutierrez ang nagkompirma na pumanaw na ang kanyang ama dahil hindi nakayanan ang kritikal na tama ng bala mula sa M -16 rifle.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Police Regional Office 10 spokesperson Lt Col Michelle Olaivar na kung anuman ang sinabi ng anak-babae ni Gutierrez ay ginalang nila ito at masyado na ikinalungkot.

Sinabi ni Olaivar na ginalang rin nila ang pananahimik ng pamilya habang sila ay tuloy-tuloy ang pagtugis sa umano’y nasa dalawang snipers na tumira sana kay Deputy House Speaker Henry Oaminal subalit napunta kay Guiterrez at dating Oroquieta City Mayor Jason Almonte noong Disyembre 22 ng gabi.

Una nang kinondena mismo ni Oaminal at ng PRO-10 ang pangyayari habang binuo ang Special Investigation Task Group Oaminal-Gutierrez-Almonte.

Magugunitang dati nang sinabi ni PNP spokesperson Police Col Roderick Alba na hindi lumalayo sa election related violence ang nangyari sa tatlong mga biktima.