CAGAYAN DE ORO CITYIsiniwalat sa testimonya ng dalawang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tila nalinlang sila nang gamitin ng Department of Education (DepEd) ang kanilang mga sertipikasyon bilang bahagi ng liquidation ng confidential funds na ipinasa sa Commission on Audit (COA).

Sa ika-20 araw ng impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte, lumitaw ang malinaw na pattern ng paghahabol o pag-iisyu nang huli na ng mga dokumento upang makapagbigay lamang ng paliwanag sa COA. Ayon kay Tingog Partylist Representative Jude Acidre, pormal na na-flag ng COA ang mga liquidation papers ng DepEd dahil sa mga natuklasang discrepancy sa paggamit ng naturang pondo.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang halagang ₱15 milyon ay hindi maliit na salapi ng bayan upang basta na lamang bigyan ng madaliang justification. Sa pamamagitan ng mga testimonya ng mga saksi, kabilang sina dating OVP SDO Gina Acosta at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio, lalong napatunayan ang matagal nang alegasyon ng misuse at misappropriation ng pondo ng kagamhanan.

Dahil ginamit ang mga sertipikasyon sa layuning hindi tumutugma sa orihinal na intensyon ng naglabas nito, lalong lumalim ang pagdududa ng publiko sa katotohanan ng mga dokumentong isinumite sa COA. Dahil dito, muling hinamon ng prosecution ang panig ng depensa na magpakita ng matibay na ebidensya at opisyal na mga resibo alinsunod sa Joint Memorandum Circular upang patunayan ang wastong paggasta.