CAGAYAN DE ORO CITY – Pangungunahan ng uniformed personnel ng Armed Forces of the Philippines at maging Philippine National Police ang pamamahagi ng assorted relief goods na nalikom sa higit isang linggo na ‘Cagayan Helps Cagayan Valley Province’ drive mula sa Northern Mindanao para sa malubhang apektadong mga pamilya sa pagbaha sa Tuguegarao City at mga munisipyo sa Lambak ng Cagayan.
Ito ay matapos tuluyang napasakamay na ng 5th Infantry Division,Philippine Army ang nasa inisyal na tone-toneladang tulong ng mga taga-Northern Mindanao para sa mga biktima ng pagbaha sa nabanggit na probinsya.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni 4th ID spokesperson Maj Jhun Cordero na ang nasa halos 50 tonelada ang nalikom na mga tulong na kinabilangan ng mga bigas,damit at kagamitang pangkusina mula sa local government units,taga-simbahan at pribadong sektor ay naka-schedule ng ilang trips ng eroplano ng Philippine Air Force para maibibigay sa mga residente ng Cagayan.
Sinabi ni Cordero na inisyal nila na naipadala ang 49 boxes ng assorted goods, 50 boxes canned juice at 50 ka sakong food packs mula sa Northern Mindanao residents para sa apektadong mga pamilya sa lugar.
Inihayag ni Cordero na ang kanilang counterpart na 5th ID ang pormal na mag-turnover ng itimized na assorted relief goods sa provincial government at mga sundalo rin ang mamamhagi nito para mga biktima.
Kaugnay nito,pinasalamatan ng gobyerno ang lahat ng walk-in donors,pribadong sektor,taga-simbahang Katolika at local government units ng Cagayan de Oro City,Camiguin,Gingoog City,Bukidnon at ibang lugar sa rehiyon upang maisakatuparan ang pagtulong sa mga nangangailangan sa Luzon provinces.
Napag-alaman na ang inisyatiba na ito ay bilang pagtugon na rin ng taga-Northern Mindanao nang inabutan ng mga tulong noong hinagupit ng bagyong Sendong ang Cagayan de Oro City at karatig mga lugar taong 2011.