CAGAYAN DE ORO CITY – Bubulusok pa ng husto ang kalagayan ng ekonomiya epekto ng pandemya na dala nga coronavirus disease na malubhang tumama sa Northern Mindanao.
Ito ay batay sa economic loss forecast ng National Economic and Development Authority (NEDA-10) dahil sa nasa P90.61-B na revenue losses simula buwan ng Marso hanggang Setyembre 30 nitong taon.
Inihayag ni NEDA 10 regional director Mylah Faye Aurora Cariño na maaring aabutin ng P130.89 -B ang maranasan na pagkalugi dahil sa bagong kalkulasyon na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ipinagamit na batayan pagdating sa usaping pang-ekonomiya sa bansa.
Sinabi ni Cariño na sa loob ng pitong buwan na pakikipaglaban ng gobyerno ng pandemya ay nasa 382 na business establishments na mayroong 4,020 na trabahante ang apektado.
Nagtala naman ng halos 60 mga establesemiyento ang nag-permanent closure habang ang iba ay nagbawas ng business operations at mga tauhan sa rehiyon.
Magugunitang sa nasabing bilang ay 43 ang mismo nagmula sa Cagayan de Oro City na nagresulta ng 582 na trabahante na tuluyang nawalan ng kanilang mga trabaho.