CAGAYAN DE ORO CITY – Pinawi ngayon ng United States Defense Deparment ang takot at pangamba ng mga residente na mapasok ng mga ipapakawala na missiles mula North Korea ang estado ng Guam.

Ito ay kahit lumalabas ang mga impormasyon na ipagpapaliban ni North Korean leader Kim Jong Un ang paglunsad nito ng Hwasong-12 intermediate-range ballistic missile laban sa Estado Unidos.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo,inihayag ni Philippine Consul General to Guam Marciano de Borja, wala umanong tyansa na magtagumpay ang missile attack ng Pyongyang dahil naka-posisyon na ang Terminal High Altitude Area Defense (THAAD).

Sinabi ni De Borja na mismong ang homeland security officials ng Guam ang nagtitiyak sa kanilang mga mamamayan na hindi dapat pangambahan ang banta ng North Korea.

Inihayag pa ng opisyal na hindi na rin bago sa mga residente ng Guam ang mga patutsada ni Kim dahil tila inuulit lamang nito ang kanyang banta noong taong 2013.

Kaugnay nito ,inalerto pa rin ng konsulada ng Pilipinas ang mahigit 42,000 overseas Filipino workers (OFWs) at Filipino-Americans na huwag maging kampante sa kanilang dapat gagawin.

Hinikayat ng opisyal ang mga Pinoy na ihanda ang mga importanteng mga gamit katulad ng mga pasaporte at pera para maiwasan ang mga pag-panic kung lumala ang sitwasyon.