CAGAYAN DE ORO CITY- Bahagyang nagkagulo sa isang barangay kaugnay nang opensiba ang mga kasapi ni Kumander Dahon ng Guirella Front-4B ng New Peoples Army sa isang construction site ng Gingoog City,Misamis Oriental.

Kinumpirma ni Supt Roel Lami-ing, ang hepe ng Gingoog City Station ang report matapos humingi ng saklolo si Engr. Tim Joseph Pepe, ang project Manager ng Equiparco Construction Company dahil hinostage ng aabot sa 130 NPArebels ang apat sa kanilang empleyado na sina Ricky Calma, drayber, Sundallo Gonzales, sekyu, Leah Mae Libreha, cashier at Lloyd Simbajon.

Kasabay na itinangay ng mga rebelde ang sweldo ng kanilang mga empleyado na nagkakahalaga ng P1.2-Milyon. Kinuha rin nito ang isang D-Max pick-up at boom truck ng kompanya.

Mabilis na iniwan ng mga rebelde ang construction site at tumungo sa Sitio Talangisog upang magsagawa ng road blocking. Sa tantsa ng PNP umabot sa apat na oras ang kanilang isinagawang check point.

Aniya, habang nasa nasabing sitio, naglunsad umano ng propaganda campaign ang mga armadong rebelde sa mga residente.

Sa ganap alas-4 ng hapon, pinakawalan ng mga rebelde ang kanilang apat na hostages kasabay ang pagsauli sa perang pangsweldo ng Equiparco.

Ngunit, hindi naman nakaligtas ang dalawang malalaking trak ng kompanya dahil base sa kanilang tradisyon, sinusunog nila ang mga pagmamay-aring sumisira sa kalikasan.