CAGAYAN DE ORO CITY – Nabuhayan ng loob ang grupo ng mga abogadong nagsusulong mapanagot ang kanilang panyero ng propesyon na si dating Pangulong Atty. Rodrigo Duterte patungkol sa crime against humanity complaint na inihain ng ilang mga pamilyang namatayan sa International Criminal Court dahil sa madugo na war on drugs policy noon.
Kaugnay ito sa inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi makatanggi ang Philippine government kapag ang kumilos at humingi ng koordinasyon ay International Police kung sakaling mayroong ilabas na ICC warrant of arrest laban sa dating pangulo ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni National Union of People’s Lawyers President Atty. Ephraim Cortez na malinaw ang mensahe ng DoJ na nagbigay legal imprimatur ito sa Philippine National Police na maki-cooperate kung sakaling magkatotoo ang ipinalutang na warrant of arrest kontra Duterte.
Sinabi ni Cortez na maaring iba ang political statements na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr noon subalit maaring hindi na kasalukuyan dahil umasim na ang relasyon nito kay Vice President Atty .Sara Duterte.
Magugunitang nagpalutang ng mga haka-haka ang mga kontra Duterte na maaring lalabas ang ICC warrant of arrest sa buwan ng Setyembre o kaya’y sa loob ng taong ito.