CAGAYAN DE ORO CITY – Nailigtas ng Philippine government sa pamamagitan ng direct contacts ng Bombo Radyo Philippines na overseas Filipino workers (OFWs) ang domestic helper na umano’y minaltrato ng kanyang amo na Arabo sa Middle East.
Ito ay matapos humingi ng tulong ang Pinay worker na si Concepcion Janolino na taga-Initao,Misamis Oriental sa kanyang mga kaanak na dumulog naman sa Bombo Radyo para makauwi pabalik sa Pilipinas upang makaiwas sa malupit na amo sa Riyadh,Kingdom of Saudi Arabia (KSA).
Sa direktang panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Janolino na labis ang pasasalamat nito kasama ang mga kaanak niya sa Bombo Radyo na agad nakipag-ugnayan sa OFWs na mayroong access sa Philippine government officials sa KSA para matawag ang atensyon ng recruitment manpower agency na nagpadala sa kanya para mamasukan bilang DH.
Inihayag ni Janolino na hindi na nito inaasahan na makaligtas pa mula sa kanyang salbahi na amo dahil nakaranas na ito ng mga pananakit,kinulong sa loob ng kuwarto,kinuha ang pasaporte at minsan lamang pinakakain.
Kuwento ng single mother na si Concepcion na tanging hinangad nito na makauwi pabalik Pilipinas dahil ayaw niya matulad ng ibang OFWs na mayroong masamang nangyari.
Ito ang dahilan na agad pinakilos ng Bombo Radyo ang Middle East international correspondents nito para matigil ang pang-aabuso at mailigtas ang buhay ng isang domestic helper na naghahangad lamang sana maiahon sa hirap ang kanyang pamilya dito sa Misamis Oriental.
Kaugnay nito,hawak na ng kanyang manpower agency ang biktima at pino-proseso na ang kaukulang mga dokumento upang mapabilis ang pag-uwi nito sa Pilipinas.