CAGAYAN DE ORO CITY – Pinayuhan na ni veteran weightlifting coach at kasalukuyang Zamboanga City Councilor Elbert Atilano si Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz na mag-retiro na ng kanyang pagiging atleta.
Ito ay matapos unang nabanggit ng kauna-unahang atletang Pinay na nakakuha ng medalyang ginto na maglalaro pa siya sa 31st Southeast Asian Games bago tuluyang mag-retiro.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ng distant coach nito na si Atilano na mas maganda na mananatili ang malinis na Olympics record ni Diaz at nasa career peak pa ito na mag-retiro upang hindi madungisan at kahanga-hanga bilang inspirasyon para sa kabataan.
Inihayag ng 42-year coaching veteran na ayaw lamang nito na matabunan ng hindi magandang alaala ang historic Olympic record ng kanyang alaga kung sakali na dumanas ng pangit na resulta ng performance sa susunod na mga kompetisyon.
Paglilinaw pa nito na naabot na ni Hidilyn ang hinangad nila na medalya mula sa Olympiada kaya sapat na ito para umayos na ang kanyang buhay at magsilbi na lamang inspirasyon sa mga kabataan na nais sumunod sa yapak niya sa larangan ng weightlifting.
Pagmamalaki pa ni Anatilo na isang buwan pa lang bago ang Olympics ay tila alam na nila na si Hidilyn ay magka-gold medal dahil natatanaw na nito ang records ng ibang Olympians.
Si Anatilo ay Hidilyn ay magkasama na sa loob ng 19 taon simula noong nasa elementarya pa hanggang sa umabot sila ng pang-apat na Olympics kung saan nasungkit ang pinakaunang medalya mailap sa halos isang siglo simula nang sumali ang Pilipinas taong 1924 sa Paris,Pransya.