CAGAYAN DE ORO CITY – Nakalabas na sa pagamutan ang pinakaunang Olympian ng larong table tennis na si Cagay-anon player Ian “Yan-Yan” Lariba.

Ito ay matapos mag-eksaktong isang buwan na si Lariba sa isolation room ng St. Luke’s Bonifacio Global City sa Taguig City.

Si Lariba ay naipasok sa ospital dahil sumailalim sa bone marrow transplant upang mapigil ang iniinda nitong acute leukemia.

Inihayag sa Bombo Radyo ng kanyang ina na si Mel Lariba na bagamat nakalabas na ang anak ay itutuloy pa rin ng mga doktor ang daily home medications hanggang sa susunod na taon.

Paliwanag nito na kung ano ang magiging resulta ng kanyang daily medication ay agad ibibigay ang mga gamot na dapat nito iinumin.

Kada linggo umano ay isasailalim si Yan-Yan sa lab tests at daily medications para mapadali ang pag-stabilize ng kanyang immune system.

Layunin nito na mapigilan ang anumang impeksyon na maaaring dumapo sa kanya habang mananatili ito sa isang pribadong lugar sa Maynila.

Kaugnay nito, muli humingi ang pamilya Lariba ng mga panalangin mula sa publiko para sa mabilis na health recovery.

Napag-alaman na mismo ang kapatid ni Yen-Yen Lariba ang naging blood donor ni Yan-Yan para sa transplant na matagumpay na isinagawa ng mga doktor noong Oktubre 7.