CAGAYAN DE ORO CITY – Hinikayat pa ng pamilya Uy ang ilang personalidad o indibidwal na mayroong direktang alam kaugnay pagpaslang ng kanilang mahal sa buhay na makipagtulungan para sa mabilis na pagre-resolba ng kaso at pagkamit hustisya.
Ginawa ng pamilya ang apela kaugnay sa pagpasok pa ng karagdagang bounty money na umaabot na sa P12-M na handang ibigay ng pamilya para sa makatulong pagtukoy ng mga totoong bumaril-patay sa biktima na si Carmen Brgy Kag. Roland Sherwin ‘Tawee’ Uy sa quarry site ng Barangay Pagapat,Cagayan de Oro City higit isang linggo na ang nagkalipas.
Sinabi sa Bombo Radyo ng media relations officer ni Cagayan de Oro 1st District Rep Rolando ‘Klarex’ Uy na si Fred Dellava na maliban sa tig-dalawang milyong piso mula mismo sa pamilya at tanggapan ni City Mayor Oscar Moreno ay mayroong karagdagan na apat na milyong piso na ang ibibigay ng business community at pribadong indibidwal para mapadali ang paglutas ng kremin.
Inihayag ni Dellava na kung sinuman ang mayroong nalalaman ay huwag magda-dalawang isip na makipag-ugnayan sa pamilya at sa PNP o kaya’y mismo sa Bombo Radyo upang ma-proseso ang hawak na mga impormasyon para maikasa ang malawakang operasyon sa mga salarin.
Kaugnay nito,nagpapasalamat ang buong pamilya sa ipinakita na pagmamalasakit ng iba’t-ibang sektor patungkol sa malaking pagsubok na hinaharap.
Sa kasalukuyan ay wala pang malaking resulta ang imbestigasyon ng aktibong SITG-Uy habang nakatakda nang ilibing ang bangkay ng biktima sa pribadong sementeryo ng lungsod bukas.
Magugunitang tanging ipinalutang pa lamang ng pulisya na anggulo ay ang ukol sa matinding bangayan sa negosyo kung bakit pinaslang ang biktima kasama ang caretaker nito na si Samuel Talaban sa quarry site noong Nobyembre 11,2021.