CAGAYAN DE ORO CITY – Sinira ng mga tauhan ng Bureau of Customs kasama ang mga representante ng kompanyang Philip Morris International ang nasa P16 milyon halaga ng ismagol na sigarilyo na nagmula sa bansang China.
Sinabi ni BoC-Cagayan de Oro District Office spokesperson Angelo Andrade na ang nasabing higit dalawang libong master cases ng smuggled cigarettes ay unang ideneklara ng umano’y consignees na ‘used furnitures’ ang nabanggit na kargamento nang dumaong sa Mindanao Container Terminal sa bayan ng Tagoloan,Misamis Oriental noong Enero 2022.
Inihayag ni Andrade na upang hindi na magamit pa ang nasabing mga kontrabando na kinabilangan ng brands ng YS Red,Titan Green at Titan Red ay ipinasok ito sa pasilidad ng Greenleaf 88 Non-Hazardous Waste Disposal sa Barangay Bayabas ng lungsod.
Kaugnay nito,tiniyak naman ni BoC-Cagayan de Oro District Office Collector Atty Elvira Cruz na hindi nila titigilan ang mga pagpalusot ng smugglers hanggang sa huminto ang mga ito sa mga pagpapalusot ng kontrabando.
Dagdag ni Cruz na maliban sa pagsira ng mga kontrabando ay maghahain din sila ng mga kaukulang kasong kriminal laban sa mga nagsilbing consignees na nasa likod ng smuggling activities sa rehiyon.