CAGAYAN DE ORO CITY – Sinira ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-10) ang nasa mahigit kumulang P20 milyon na illegal drugs sa crematorium ng isang pribadong sementeryo ng Cagayan de Oro City.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni PDEA 10 regional Director Emerson Rosales na ang pagsunog ng nasa tatlong kilo ng shabu at 17 gramo ng marijuana ay alinsunod sa unang kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte na sirain ang confiscated illegal drugs para hindi magagamit ng ‘recycling’ g ilang scalawags mula sa ibat-ibang law enforcement agencies ng bansa.
Inihayag ni Rosales na inisyal pa lamang ang nasabing dami ng ilegal na droga na sinira nila kasama ang mga tauhan ng Police Regional Office -10 at National Bureau of Investigation na sinaksihan rin ng isang huwes na nagmula sa Iligan City.
Dagdag ng opisyal na hindi pa kasali ang kilo-kilong suspected shabu na kanilang nakompiska mula sa mga naarestong mga targeted drug personalities dahil kasalukuyang tumakbo ang mga kaso ng mga ito sa magkaibang korte nitong rehiyon.
Kung maalala,bago ikinasa ang pagsira ng multi-million na halaga ng illegal drugs ay naka-aresto pa ang PDEA-Misamis Oriental team kay dating Nunungan Mayor Abdul Manamparan mula Lanao del Norte nang isinilbi ang search warrant sa bahay nito sa Xavier Estates ng Barangay Lumbia ng lungsod kahapon ng umaga.