CAGAYAN DE ORO CITY – Nakumpiska sa joint operation ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Manila kasama ang PNP-Region 10 at Criminal Investigation and Detection Group Region 13 (CIDG-13) ang nasa P30 million halaga ng iba’t ibang klase ng sigarilyo na ipinuslit sa Cagayan de Oro City at Caraga Region.
Kasunod ito ng ikinasang raid sa mga warehouses na umano’y pagmamay-ari ng pamilyang Lim na nirentahan naman ng mga negosyanteng Taiwanese sa Barangay Cugman sa Cagayan de Oro at bayan ng Villanueva, Misamis Oriental kahapon ng hapon.
Sa panayam Bombo Radyo, inihayag ni BIR chief revenue officer Remedious “Sunny” Advincula Jr na tumambad sa kanila ang 15 makina na para sa paggawa ng sigarilyo at iba’t ibang klase ng finish products nito sa dalawa sa tatlong warehouse na kanilang napasok.
Sinabi ni Advincula na agad nilang susulatan ang mga may-ari nitong Taiwanese businessmen upang ipaalam sa paglabag sa batas na kailangan nilang masagot.
Kabilang sa mga sigarilyo na nakumpiska ay Philip Morris, Fortune, Marvels at Mighty na hindi dumaan sa tamang pagbabayad ng buwis.
Nakumpiska rin ang cigarettes ingredients at maging ang mga materyales nito sa mga napasok na warehouses.
Itutuloy ngayon ng mga otoridad ang pagpasok sa iba pang warehouses na pinagtaguan ng iligal na mga produkto sa mismong siyudad at lalawigan.