(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang nasa P40 million halaga ng mga pekeng sigarilyo sa magkakahiwalay na tindahan sa Iligan City.

Resulta ito ng magkakasunod na operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Lanao del Norte, kasama ang ibang units ng PNP, sa limang tindahan na may hawak ng naturang mga kontrabando.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng PNP-10, inilunsad ang naturang mga operasyon matapos na dumulog sa CIDG ang kompanyang Philip Morris Philippines at Fortune Tobacco Corporation para ireklamo ang pamemeke ng sigarilyo ng ilang indibidwal.

Kaagad namang nagpalabas si RTC Branch 21 Presiding Judge Alberto Quinto ng search warrants para sa tindahan nina Kim Ryan Molina, Zhang Jintao, Stanley, Anne Co at Ongmen Chavez, na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa penal provisions of intellectual property code.

Aabot sa 604 cartoons at 12 reams ng iba’t ibang uri ng pekeng sigarilyo na nagkahalaga ng P40 milyon ang nakumpiska ng mga otoridad sa inilunsad na mga operasyon.

Napag-alaman ang nasabing mga suspect may-ari ng TYF General Merchandise, J2 Motor Parts & Accessories, Nick-Nick General Merchandise, Villa Laya Building at Sumandar Apartment na pawang nakabase sa Iligan City.