CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi pa sumagi sa pag-iisip ni Tokyo Olympian boxing silver medalist Carlo Paalam ng Cagayan de Oro na pasukin ang pagiging professional mula sa pagsilbing amateur boxer.

Kasagutan ito ni Carlo patungkol sa kanyang plano matapos nitong hinirang na boxing gold medalist sa 2023 South East Asian Games na nagpapatuloy pa sa bansang Cambodia.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Carlo na nais nitong muling sumubok para sa 2024 Paris Olympics sa Pransya para tangkain na makapagbigay ng gold medal na sobrang matagal na mailap para sa Pilipinas.

Sinabi ng Olympian boxer na sana makapasok ito sa susunod na Olympics upang ipagpatuloy ang pangarap ng unang Pinoy Olympian boxers na makakuha ng gintong medalya.

Magugunitang sa Tokyo Olympics sa Japan ay muntikan ng makuha ni Paalam ang gold medal subalit natalo ito via split decision kay Great Britain boxer Galal Yafai sa Kokugikan Arena noong Agosto 2020.