Nagbabala ang LTFRB Region 10 na babawian ng kanilang prangkisa at lisensya ang mga operator at drayber na mahuhuling gumagamit ng ilegal na droga sa isinasagawang surprise drug test sa mga terminal.
Batay sa pahayag ni LTFRB-10 Regional Director Aljo Bendijo, pormal silang magpapadala ng show cause order sa mga PUV operator upang patagutin kung bakit sila nag-eempleyo ng mga drayber na gumagamit ng droga.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi lamang suspensyon ang kakaharapin ng mga lumalabag dahil haharap din sila sa kasong kriminal mula sa PDEA.
Dahil dito, pinag-utusan ng ahensya ang lahat ng bumiyahe na magtino sa pagmamaneho at huwag irisgo ang buhay ng mga pasahero.











