CAGAYAN DE ORO CITY – Pinawi ngayon ni City Mayor Oscar Moreno ang pangamba ng publiko sa usaping pang-kalusugan ukol sa pagbubuga ng makapal na usok mula sa mga bangkay na positibo ng COVID-19 na isinailalim ng cremation mula sa dalawang pribadong funeral homes ng Cagayan de Oro City.
Ito ay matapos ikinabahala ng ilang mga residente kung ano ang maidudulot nito sa kanilang katawan kung malalanghap ang usok mula sa crematorium site na abalang-abala dahil kada-araw ay mayroong susunugin na mga bangkay na positibo ng bayrus sa Barangay Bulua ng lungsod.
Inihayag ni Moreno na pina-imbestigahan na niya ito at natuklasan na wala umanong nadadala na anumang ash fall mula sa crematorium na maaring dadapo sa katawan ng mga buhay o kaya’y sa mga pagkain sa loob ng kabahayan ang usok.
Aminado ang alkalde na labis ang pangamba ng ilang residente na malapit lamang sa cremation area subalit hindi raw umano sila dapat mangangamba.
Umapela rin ang mayor na sa halip na magalit ay intindihin na lamang at mag-alay ng dasal para sa mga yumao na mga tinamaan ng bayrus dahil wala naman umanong kahit -isa na gusto masawi epekto ng virus infections.
Magugunitang sa higit isang taon na pandemya sa bansa,nasa 17,100 na ang cumulative cases sa lungsod kung saan 730 rito ang kompirmadong nasawi.