CAGAYAN DE ORO CITY, Philippines – Muling nalampasan ang dating bilang ng mga deboto na umaakyat sa Our Lady of Guadalupe Shrine sa Barangay Tablon, Cagayan de Oro.

Ayon kay Barangay Tablon Administrator Roel Tan, umabot sa 25,513 ang bilang ng mga bisita mula Huwebes Santo hanggang Biyernes Santo, isang pagtaas mula sa dating rekord na 22,000 hanggang 23,000 noong 2024.

Malayo rin ito sa 13,000 hanggang 14,000 na dumalaw noong 2020 at 2022 sa kasagsagan ng pandemya.

Ipinaliwanag ni Tan na ang patuloy na pagdagsa ng mga mananampalataya ay resulta ng masusing paghahanda at pagsisiguro sa maayos at ligtas na daan patungo sa bawat istasyon ng krus.

Kabilang dito ang siyam na beses na pagtawid sa sapa at ang matarik na pag-akyat sa burol ng Shrine.

Sa kabila ng pagdagsa ng mga deboto, kinumpirma ng barangay council na walang naitalang aberya, maliban sa ilang reklamo hinggil sa lokasyon ng palikuran para sa kalalakihan at kababaihan.

Nilinaw naman ni Tan na may itinakdang palikuran sa loob mismo ng Shrine, subalit maraming deboto ang hindi alam ang tamang kinaroroonan nito.

Ang record breaking na bilang ng mga deboto ay isang patunay na lalong lumalalim na pananampalataya ng mga Pilipino, at ng patuloy na pag-usbong ng Our Lady of Guadalupe Shrine bilang isang mahalagang destinasyon ng pananalangin tuwing Semana Santa.