Nagsagawa ng parallel investigation ang ilang yunit ng PNP laban sa dalawang pulis na inakusahan ng pangmomolestiya sa mga babaeng criminology interns sa Cagayan de Oro City.

Nabahiran ng kontrobersya ang COCPO matapos ang reklamo na naganap sa Bulua Police Station 7 noong nakaraang linggo.

Ayon kay Police Major Emilita Simon, tagapagsalita ng COCPO, hindi lamang ang City Investigation and Detective Management Unit ang nagsisiyasat kundi kasama rin ang PRO 10 at NAPOLCOM 10.

Inakusahan ang mga pulis na nanghalik at humawak sa maselang bahagi ng katawan ng mga interns.

Naka-floating status na ang isang police captain at isang police corporal habang iniimbestigahan.

Dagdag pa ni Simon, handa ang COCPO na magpataw ng parusa kung mapapatunayang may matibay na ebidensya laban sa kanila.