Inakusahan ng United People’s Initiative na pinagplanuhan ang pagtatanggal at pag-impeach kay Bise Presidente Sara Duterte upang hindi ito makabalakid sa hangarin ng mga nakaupong opisyal na palawigin ang kanilang termino sa pwesto.

Ipinahayag ni UPI Secretary General Capt. Rey Valeros Jr. na ginamit lamang ang pamahalaan kabilang ang NBI at Ombudsman upang igipit at sampahan ng kaso ang Bise Presidente matapos ding pinahina ang kanyang mga alyado sa Senado.

Dagdag pa ng opisyal, kapag matanggal na sa pwesto ang Bise Presidente, isusunod agad ng mga politiko ang pagpapalit ng Konstitusyon sa pamamagitan ng Constitutional Assembly para sa term extension.

Dahil dito, nanawagan ang grupo sa mamamayan na maging alerto at labanan ang anumang hakbang na nag-aabuso sa batas para sa personal na interes ng ilan.