Ikinalungkot ng Al-Jalil Coalition at ng National Commission on Muslim Filipinos ang patuloy na pagbabawal sa pagsusuot ng hijab ng mga Muslim nursing students sa Iligan Medical Center College sa kanilang pinning ceremony at mga training activity.

Ipinaliwanag ng tagapagsalita ng koalisyon na si Ustadtz Abdul Jabbar Montañer na ang hijab ay hindi lamang basta tela na pwedeng hubarin at isuot kahit kailan kundi simbolo ito ng dignidad at pananampalataya ng mga kababaihang Muslim.

Ipinahayag ng pangkat na labag ito sa mga memorandum ng CHED at sa Republic Act 9710 o Magna Carta of Women na nagtatanggol sa karapatan ng mga estudyante.

Dahil dito, inihayag ng koalisyon na pormal silang magsusumite ng reklamo sa Commission on Higher Education regional office upang matuldukan na ang naturang diskriminasyon.