(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Itinuring ng Philippine National Police na nalutas na ang pag-ambush patay sa kilalang medical urologist at hospital director na nakabase sa Cagayan de Oro City.
Ito ay kung pagbabatayan ang paramiter ng PNP na tumugis at humuli sa apat mula sa limang suspek na nasa likod pagpatay kay Dr Raul Winston Andutan na tumatayong medical director ng Maria Reyna Hospital -Xavier University Hospital na nakabase sa lungsod.
Sa pagharap ni Police Regional Office 10 Director Brig Gen Benjamin Acorda Jr sa local media,inihayag nito na tanging si Rene Tortusa at ang nag-uutos sa kanya na lang ang kulang upang tuluyan ng makompleto ang pagbigay hustisya para sa pamilya ng biktima.
Sinabi ni Acorda na humahabol sa nahuli ng kanilang mga tauhan ang isang nagngangalang Felipe Tinabnab na dinampot nila sa bahagi ng Balingasag ilang oras ang nakalipas nang mahuli ang tatlo nitong kasamahan habang naliligo ng dagat sa karatig-bayan ng Balingoan,Misamis Oriental kaninang umaga.
Dagdag ng heneral na bagamat mayroon na silang pangunahing mga hawak na impormasyon ukol pagkapaslang ng biktima subalit hindi muna ito dapat mailahad sa publiko habang nagpapatuloy pa ang karagdagang imbestigasyon.
Kaugnay nito,nakatakdang gagawaran ng parangal ang lahat ng mga pulis na nagsanib puwersa upang maaresto ang umano’y ‘gun for hire’ suspects na sina Jomar Pacilan Adlao, 30; Marjun Cabug, 39 at Joel Nacua, 37 na lahat taga-Bukidnon.
Magugunitang mula sa kanilang bahay ang biktima sa Barangay Macasanding nang sinundan ang kanyang pribadong sasakyan ng mga suspek hanggang nakakita ng pagkakataon dahilan na pinagbabaril ito gamit ang kalibre 45 na nag-reresulta ng agarang pagkasawi kahapon ng umaga.