CAGAYAN DE ORO CITY, Philippines – Ibinasura ng RTC Branch 9 ng Malaybalay City, Bukidnon, ang petisyon na makalagak ng piyansa si Pangantucan Mayor Miguel Silva Jr. na nahaharap sa kasong statutory rape.

Sa isang press briefing, nilinaw ni Col. Jovit Culaway, direktor ng Bukidnon Provincial Police Office (BukPPO), na ang arrest warrant na nilagdaan ni RTC Branch 9 Judge Ma. Theresa Camannong ay walang rekomendasyong ng pagpiyansa para sa kasong panggagahasa laban kay Silva.

Ang 59-taong gulang na alkalde ay naaresto, Linggo ng gabi, sa Compostela Valley sa pamamagitan ng pinagsamang pwersa ng Davao de Oro police at BukPPO.

Nahaharap din siya sa dalawang kaso ng sexual assault, na may piyansang itinakda sa halagang P100,000.

Inamin ni Caluway na mahigit isang buwan ang kanilang paghihintay sa pagsuko ni Silva mula nang inihayag nito sa kanyang mga media interview na siya mismo ang pupunta sa PNP upang mabigyang linaw ang kanyang kaso.

Sinabi ni Caluway na tumagal pa sa mahigit isang buwan ang kanilang monitoring mula sa kanyang pagtatago.

Samantala, inihayag naman ni Police Regional Office-Northern Mindanao Director Brig. Gen. Jaysen de Guzman na ipatutupad nila ang batas, kahit ano pa ang katayuan o posisyon ng isang indibidwal.

Una nang sinabi ni Mayor Silva na “politically motivated” ang paratang laban sa kanya.